TALAMBUHAY Ni Francisco Baltazar
TALAMBUHAY
Ni
Francisco Baltazar
Isinilang si Francisco Baltazar noong ika 2 ng Abril, 1788
sa nayon ng Panginay
(Balagtas) Bigaa, Bulakan. Ang kanyang mga magulang ay sina
Juan Baltazar at Juana Dela Cruz. Ang pagmamahalan ng dalawang ito ay nagbunga
ng apat na supling, sina Felipe, Concha, Nicolasa, at Kiko.
Nabibilang lamang sa maralitang angkan ang mag – anak na
Baltazar. Ang kanyang ama ay isang panday at ang kanyang ina ay isang
karaniwang maybahay. Si Kiko ay pumasok sa kumbento ng kanilang kabayanan sa
ilalim ng pamamatnubay ng kura – paroko at ditto ay natutuhan niya ang Caton,
misterio, kartilya at Catecismo.
Ang pandayan ng kanyang ama ay ginagawang tagpuan ng mga
kanayon at dito ay naririnig ni Kiko ang mga usapan at pagtatalo tungkol sa
sakit ng lipunang umiiral noon. Malaki ang nagawa nito sa kanyang murang
isipan.
Palibhasa’y may ambisyon sa buhay, inakalang hindi sapat ang
natutuhan sa kanilang bayan kayat umisip ng paraan kung paano siya makaluluwas
ng Maynila upang makapagpatuloy ng pag – aaral. Ayon sa kanyang ama mayroon
silang malayong kamag – anak na mayaman, na naninirahan sa Tundo at maaari
siyang pumasok dito bilang utusan.
Nagustuhan naman ang paglilingkod ni Kiko sa kanyang amo
kaya pinayagan siyang makapag – aral. Nagpatala siya sa Colegio de San Jose na
noon ay pinamamahalaan ng mga Hesuwitas. Dito’y natutuhan niya ang Gramatika,
Latin at Kastila, Fiska, Geografia at Doctrina Cristiana. Noong 1812 ay
ipinagpatuloy niya ang kanyang pag – aaral sa Colegio de San Juan de Letran at
dito’y natapos niya ang mga karunungang Teolohiya, Filosofia at Humanidades.
Naging guro niya si Padre Mariano Pilapil, ang may – akda ng Pasyong Mahal.
Naging tanyag si Kiko sa purok ng Tundo, Maynila sapagkat sumusulat
siya ng tula at itinuturing na mahusay na makata. Sa Gagalangin, Tundo ay
nakilala niya ang isang dalagang nagngangalang Magdalena Ana Ramos at ito’y
napagukulan niya ng paghanga. Noong panahong iyon ay may isang tagaayos ng
tula, si Jose dela Cruz na lalong kilala sa tawag na Huseng Sisiw sapagkat kung
walang dalang sisiw ay hindi niya inaayos at pinag – uukulan ng pansin ang
tulang ipinaaayos ng sinuman. Isang araw ay may dala – dalang tula si Kiko
upang ipaayos kay Huseng Sisiw at sa dahilang walang dalang sisiw ay hindi ito
inayos ni Jose. Umuwi si Kikong masamang – masama ang loob kayat simula noon ay
hindi na siya humingi ng tulong sa makata ng Tundo.
Noong taong 1853, lumipat siya sa Pandacan at doon niya
nakilala si Maria Asuncion Rivera. Sa kabila ng mga paalaala at payo ng mga
kakilala at kaibigan na magiging mahirap para sa kanya ang pamimintuho sa
dalaga sapagkat magiging karibal niya si Mariano Kapule, isang mayaman at
makapangyarihan sa pook na iyon, subalit winalang – bahala ang mga paalalang
ito, Hindi siya tumugot hanggang hindi nakadaupang – palad si Maria at hindi
nga nagtagal at naging magkasintahan ang dalawa.
Palibhasa’y mayaman ginamit ni Nano ang taginting ng salapi
upang mapabilanggo si Kiko. Nagtagumpay naman ito. Sa loob ng bilangguan ay
nagdadalamhati si Kiko at lalo itong nalubos ng mabalitaan niyang ikinasal na
ang pinag – uukulan niya ng wagas na pag – ibig at si Nano. Maraming
nagsasabing sa loob ng bilangguan niya isinulat ang walang kamatayang Florante
at Laura at buong puso niya itong inihandog kay Selya.
Pagkalabas niya sa bilangguan noong 1838 ay minabuti niyang
lumipat sa ibang tirahan upang di na magunita ang alaala ni Selya kaya ang alok
na puwesto sa Udyong, Bataan ay buong puso niyang tinanggap. Muling tumibok ang
kanyang puso ng makilala niya si Juana Tiambeng, isang anak na mayaman na
naging kabiyak niya. Nagkaroon sila ng labing – isang supling, limang lalaki at
anim na babae sa loob ng labing – siyam na taong pagsasama nila. Pito ang
namatay noong mga bata pa at sa apat na nabuhay isa lamang ang nagmana kay
Balagtas.
Dahil sa may mataas na pinag – aralan si Kiko kaya humawak
siya ng mataas na tungkulin sa Bataan – naging tagapagsalin, tinyente mayor at
huwes mayor de Semantera.
Mainam –inam na sana ang buhay ng mag – anak ngunit
nagkaroon na naman ng isang usapan tungkol sa pagkakaputol niya ng buhok sa
isang utusan ng isang mayamang si Alfarez Lucas. Sa pagkakataong ito, namayani
na naman ang lakas ng salapi laban sa lakas ng katwiran kaya napiit siya sa
Bataan at pagkatapos ay inilipat sa piitan ng Maynila. Nang siyay makalaya,
bumalik siya sa Udyong at dito nagsulat ng awit, komedya at namatnugot sa
pagtatanghal ng dulang Moro – moro na siya niyang ibinuhay sa kanyang pamilya.
Noong ika – 20 ng Pebrero, 1862 si Kiko ay namatay sa Udyong
Bataan sa gulang na 74 na taon.
Mga Akda at Karangalan ni Francisco Baltazar
Ang kauna – unahang tulang nagbigay sa kanya ng karangalan
bilang “Isang Makata” ay ang “Pagsisisi” sinulat niya ito ng siya ay nakatira sa
Tundo.Nagsulat siya ng mga Moro – moro, awit at korido at mga tulang nauukol sa
ibat – ibang okasyon. Bukod sa “Florante at Laura” ay nakasulat siya ng iba
pang awit at korido gaya ng mga sumusunod:
La India Elegante y El Negrito Amante
Clara Balmori
Almanzor at Rosalina
Orosman at Zafira
Mahomet at Constanza
Bayaceto at Dorlisca
Auredato at Astrone
Don Nuno at Zelinda
Nudo Grodeano
Rodolfo at Rosemundo
Abdol at Miserena
Ang “La India Elegante y El Negrito Amante” ay isang dulang
parsa na may mga tauhan at tagpong Pilipino. Tanging ang dulang ito ang may mga
tagpong nangyari sa Pilipinas. Ang ibang mga dula ni Balagtas ay naganap sa
ibang bansa at ang tauhan ay hindi Pilipino.
Ang “Almanzor at Rosalina” ay isang Moro – moro. Itinanghal
ito sa Udyong Bataan nang labindalawang araw.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento